Sa ibinahaging impormasyon ng Cagayan Provincial Information Office, minabuti na lamang ng mga nai-stranded na magbangka para makauwi sa probinsya ng Cagayan.
Nai-stranded ang ilang indibidwal sa Manila North Road, Sitio Banquero, Barangay Pancian, Pagudpud, Ilocos Norte na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring maaaring dumaan na anumang uri ng sasakyan.
Ayon kay Marlene Miralles ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Sta. Praxedes, ligtas naman ang nasa 20 katao na nakauwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Dagdag niya, naglatag na rin ng checkpoint ang kanilang team katuwang ang kapulisan sa boundary ng Sta. Praxedes at Ilocos Norte upang hindi maantala ang mga byahero at matiyak ang kanilang kaligtasan.
Kasalukuyan din ang ginagawang clearing operation ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa naturang lugar na posibleng umabot umano ng hanggang tatlo o limang araw.