Nasa Likod ng Pagawaan ng Pekeng Sigarilyo, Mga Chinese Pala Taliwas sa Paunang Pakilala na Sila ay Koreano

Cauayan City, Isabela – Biglang napasuot ng COVID–19 PPE ang mga otoridad na nagsasagawa ng pagtatanong at pagkustudiya sa apat na indibidwal na nasa likod ng bodega na gumagawa ng pekeng sigarilyo sa Baranagay Palattao, Naguillan, Isabela.

Ito ay matapos na malaman na sila ay mga Intsik taliwas sa pauna nilang pakilala na sila ay mga Koreano.

Una rito ay nagpakilalang mga Koreano ang apat nang sila ay matimbog ng mga pinagsamang puwersa ng PNP Naguillan, PNP Isabela at Bureau of Internal Revenue nang nasabat ang isang trak na naglalaman ng sanlaksang sigarilyo at kalaunan ay pagsalakay at paghalughog sa isang “rice mill” na pagawaan pala ng mga tambak tambak na pekeng sigarilyo dito sa Isabela.


Nakilala ang apat na Chinese nationals na sina Wu Jia Jun,26 anyos; Steven Tan,31 anyos; Chen Qong Gong, 37 anyos at We Yao Mei, 25 anyos.

Binasahan sila ng kanilang mga karapatan at kinakaharap na kaso sa pamamagitan ng tagasalin at sila ay masasampahan ng kaso batay sa RA 8293 o Intellectual Property Code, Customs Modernization Tariff Act, National Internal Revenue Code at RA 11332 o ‘Law on Reporting of Communicable Diseases’.

Dumating din ngayong hapon ng Mayo 29, 2020 ang pangkat ng Bureau of Customs National Office mula sa Maynila at hiniling nila sa BIR Regional Office, PNP Naguillan at PNP Isabela na dadalhin ang apat na suspek sa Maynila upang doon iprisinta.

Hiniling naman ni IPPO Provincial Director PCol James M. Cipriano na ibalik din dito sa Isabela ang apat ng BOC pagkatapos gawin ang kanilang proseso sa BOC Central Office dahil dito naman sa lokalidad masasampahan ng kaso ang mga banyagang suspek.

195 rin na mga manggagawa ang kasalukuyang pinoproblema ng LGU Naguillan, Isabela dahil pagkatapos na ikumpiska ang mga makinang gamit sa paggawa ng pekeng sigarilyo at mga tambak na pekeng produkto ay ikakandado ang bodega na siya ring tulugan ng mga 195 na manggagawa.

Ang mga trabahador ay pawang galing sa mga lugar ng Visayas at Mindanao.

Marami ang nabigla sa pagkakadiskubre ng malaking pagawaan ng pekeng sigarilyo dahil inirehistro ito sa LGU Naguillan bilang isang rice mill sa pangalan na Lucky J 888 Rice Mill Corporation.

Habang sinusulat ang balitang ito ay kasalukuyan pa ang ginagawang panayam sa 195 na mga trabahadores, 4 na Chinese nationals at imbentaryo ng mga pekeng sigarilyo at sa mga making gamit sa paggawa nito.

Kinuhanan din ng swab test ang mga suspek na Chinese nationals dahil sa kanilang paglalahad na sila ay tubong Wuhan sa Tsina.

.

Facebook Comments