Manila, Philippines – Hindi na matagpuan pa ng kanyang mga kasamahang tsuper si George San Mateo ang lider ng PISTON na pinatawan ng warrant of arrest ng Quezon City Metropolitan Trial Court.
Dinedma ni San Mateo ang pagtawag ng kanyang grupo sa kilos-protesta sa harap ng tanggapan ng NHA sa elliptical road Quezon City ngayong umaga.
Tanging apat na driver lamang na sakay ng isang van ang dumating.
Kagabi pa pinaghahanap ng Quezon City Police District si San Mateo matapos maglabas ng warrant of arrest si MTC branch 43 Judge Don Ace Mariano Alagar laban sa lider ng PISTON.
Ayon kay Rommy Villado, malaki ang naging epekto ng pangha-harass sa kanila kahapon kung kayat hindi na nagpakita pa ang iba nilang miyembro sa harap ng National Housing Authority kung saan magtitipon-tipon bago tumulak sa Quezon City Hall of Justice.
Hindi naman nagpakita na si George San Mateo, sa halip, ipinadala na lamang niya ang kanyang abogado para sana magpiyansa, pero hindi ito natuloy dahil walang hukom na magpo-proseso ng kaniyang bail.
Maliban dito, kailangang personal na magpakita sa korte si San Mateo bilang bahagi ng protocol sa bail proceeding.
Ayon kay Villado, hindi kriminal si San Mateo na kinakailangan pang padalhan ng isang batalyong pulis para arestuhin.
Si San Mateo ay nahaharap sa kasong paglabag sa section 20 at section 24 ng public service act matapos umano nitong udyuka ang ibang mga tsuper at operator ng jeepney na mag-tigil-pasada bilang protesta sa jeepney modernization program na nagdulot ng matinding perwisyo sa commuters.