Manila, Philippines – Tinatayang aabot sa 3.4 billion pesos ang halaga ng 500 kilo ng hinihinalang shabu na nasabat ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency at Bureau of Customs sa isang inabandunang 20ft tall container van sa Manila International Container Port ngayong gabi.
Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, June 28 pa nang dumating ang container sa bansa mula sa Malaysia, na idineklara lamang bilang doorframe, ngunit makalipas ang 30 araw ay wala pa ring nagclaim dito.
Sinabi naman ni PDEA Director Aaron Aquino, na agad silang nakipagcoordinate sa Customs upang makapagsagawa ng inspeksyon sa naturang container, matapos makatanggap ng tip na may laman itong iligal na droga.
Ayon pa kay Aquino, makapal ang metal na ginamit sa magnetic scrap lifter o ‘yung pinagtaguan ng shabu na maging ang mga k9 unit ay hindi ito naamoy.
Kabilang sa mga iimbestigahan ay ang consignee ng shipment na ito, na nakapangalan sa isang VECABA Trading International sa 712 Galicia st. Sampaloc, Maynila.