Batangas – Nakubkob ng militar ang naging kampo ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Calumpit, bayan ng Lobo, Batangas.
Ayon kay Lieutenant Colonel Jonathan Manio, Commanding Officer ng 1st Infantry Battalion ng Philippine Army, aaksyunan lang sana nila ang reklamo ng mga residente sa lugar hinggil sa pangingikil umano ng mga rebelde.
Pero sa gitna ng pagtunton ay naka-engkuwentro aniya ng militar ang tinatayang 20 miyembro ng NPA.
Wala namang naiulat na sugatan o nasawi sa panig ng tropa ng pamahalaan habang makikita sa lugar ang mga bakas ang dugo na pinaniniwalaang mula sa mga miyembro ng NPA.
Narekober naman sa lugar ang tinatayang tatlumpung tent, ilang cellphone, mga bala at magazine ng kalibre .45, tatlong improvised explosive device (IED) at mga subersibong dokumento.
Pinamumunuan ng isang alyas Salma o alyas Mulan ang grupo ng NPA na nakalaban ng mga sundalo.