Dalawa na ang nasawi dahil sa COVID-19 Delta variant sa bansa.
Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na isang 58-year-old na babae ang pangalawang nasawi dahil sa Delta variant.
Ayon kay Vergeire, nagkaroon ito ng sintomas ng nasabing variant at limang araw na nagpakonsulta pero patuloy ang paglala nito.
Pagdating aniya sa emergency room ay malubha na ang kanyang sakit at doon na siya binawian ng buhay.
Patuloy naman ang ginagawang pagkikipag-ugnayan ng DOH sa pamilya ng pasyente upang malaman kung nabakunahan na ba ito ng COVID-19 vaccine at iba pang detalye sa kondisyon ng kalusugan nito.
Nabatid na ang isang 63-year-old hypertensive na lalaki na isa sa mga seafarer ng MV Athens ang unang nasawi dahil sa Delta variant sa bansa.
Kahapon ay kinumpirma ng DOH na may 16 na panibagong kaso ng Delta variant sa bansa kung saan 11 dito ay local cases dahilan upang umakyat na sa 35 ang kabuuang kaso ng mas nakakahawang variant sa Pilipinas.