Nilinaw ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na apat pa lamang ang nasawi kasunod ng pagtama ng magnitude 7 na lindol sa Abra kahapon.
Bukod dito, sumampa na sa 131 ang bilang ng nasugatan habang wala namang naitalang nawawala.
Samantala, sa 6AM report ng NDRRMC, umabot na sa 3,456 na pamilya o katumbas ng 12,945 indibidwal mula sa 149 na barangay sa Cordillera Administrative Region ang naapektuhan ng lindol.
541 pamilya ang nananatili sa 21 evacution centers habang 128 pamilya ang nakikitira muna sa kanilang mga kamag-anak.
Nasa 857 na mga bahay rin sa Cordillera ang partially damaged habang 11 ang nawasak nang buo.
Samantala, nasa higit 1, 248 na indibidwal din ang inilikas sa Ilocos Region matapos ang lindol.
Labing-siyam (19) na kalsada naman sa Ilocos, Cagayan at Cordillera ang hindi pa rin madaanan.
Habang naibalik na ang suplay ng kuryente sa 36 mula sa 37 mga bayan at munisipalidad na nakaranas ng power interruption.
17 imprastraktura din ang nasira sa Ilocos, Central Luzon At Metro Manila.