Isa pang tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang nasawi matapos na maging infected ng COVID-19.
Kaya naman umabot na sa kabuuang 69 na mga PNP personnel ang binawian ng buhay dahil sa virus simula nang magsimula ang pandemya ng nakaraang taon.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, ang panibagong pulis na nasawi ay 49-anyos na nakatalaga sa Cagayan de Oro City Police Office.
Nitong May 30, habang nasa duty ay nakaranas ng hirap sa paghinga ang nasawing pulis kaya agad na isinugod sa ospital ng kaniyang mga kasamahan.
Agad siyang na-intubate dahil sa pneumonia, isinailalim sa swab test at inilipat sa isolation unit ng ospital.
May 31 nang lumabas ang resulta ng swab test at natukoy na siya ay positibo sa COVID-19.
June 3 ay naging maganda ang kaniyang kalagayan kaya inalis siya sa pagkaka-intubate pero June 4 nang muling kinapos sa paghinga kaya muling na-intubate at kinabukasan June 5 binawian na siya ng buhay.
Kaugnay nito muling nagpaalala si PNP Chief sa kaniyang mga tauhan na mas maging maingat at kung nakakaranas ng sintomas ng COVID-19 ay agad na magpa-check up at huwag mag-self-medicate.
Sa ngayon, mayroong ng 24, 950 total COVID-19 cases sa PNP matapos na madagdagan ngayong araw ang 119 na bagong kaso, sa bilang na ito 1,812 ang active cases.
Habang 23,069 na ang gumaling na PNP personnel sa COVID-19 matapos na madagdagan ang 102 bagong kaso.