Dear I,
Paano nga ba natin masusukat ang pagmamahal? Siguro ay mayroon na tayong kanya-kanyang kaisipan o ideya sa mga bagay na ito. Para sa iba ay nasusukat ito sa tagal ng panahon ng pagsasama, mga problemang napagdadaanan, mga bagay na napagtatagumpayan o di kaya sa paniniwalang compatible kayo sa isa’t isa Dear I.
Itago niyo nalang po ako sa pangalang Mabie , 17 yrs old, at tubong Sarrateno. Sana po ay matulungan niyo ako sa aking sitwasyon.
Two years na po kaming magkasintahan Dear I. Sa dinami dami naming pinagdaanan eh masasabi kong matatag at may patutunguhan ang aming relasyon. Sa una ay masaya at wala kaming inaalala. Sweet, Mapagmahal at maalagain siya at sakin lamang niya itinutuon ang kanyang buong atensyon dear I. Nanatili kaming matatag sa pagbubukas ng ikalawang taon para sa amin. Ipinakilala pa niya ako sa kanyang parents at mainit din naman nila akong tinanggap. Wala kami masyadong naging problema dahil naniniwala ako sa kanya dear I at isa pa, matindi ang kanyang pagsamba sa poong Maykapal. Ang oras niya ay binabaling lamang niya saakin at sa pagsasamba Dear I. Ngunit ang hindi ko alam Dear I ay may milagro na palang ginagawa ang boyfriend ko.
Buong akala ko ay saakin lamang nakatuon ang lahat ng atensiyon niya. Siguro ay naging kampante ako dahil wala naman akong nakikitang mali sa pag uugali niya. Wala naman siyang ipinapahiwatig sa akin na may iba siyang babae dear I. Maliban sa, naging kalaban ko na ang oras na ginugugol niya sa simbahan. Nakakatawa lang isipin na, naging tanga ako sa mga panahon na iyon. Yung tipong ang taong pinagsisilbihan ka nuon at ginagawa kang prinsesa ay isa naring reyna ngayon. Oo dear I, pareho kaming umiibig sa lalake. Totoo ngang ako lang ang babae sa buhay niya dahil puro sila lahat lalake. Nakakatawang isipin na naging kloseta ako sa aming dalawang taon na pagmamahalan. Panakip butas sa lahat ng panahong pagsasama namin. Napakasakit Dear I, nasa punto na ako na gusto ko ng sumuko. Binuhos ko lahat ng panahon, lakas, pagmamahal sa kanya ngunit sa iba naman niya sinusuklian ang mga ito, Sa ibang lalake Dear I.
Mahal na mahal ko po siya at ayaw ko po siyang pakawalan. Ginawa ko siyang mundo ko ngunit labis po ang magiging hinagpis ko kung patuloy ko pong lantaran na malalaman ang kaniyang tunay na pagkatao. Sa ngayon po ay hindi pa niya alam na alam ko ang kanyang tunay na estado. Nahuli lang po ng aking mga mata ang mga kamay na nagkasalubong at mga labing mainit na naghahalikan. Ano pong gagawin ko dear I? Sasabihin ko na po ba na alam ko na ang mga sikreto niya, ngunit matitigil na ang aking masasayang araw, o hahayaan ko na lamang ang kanyang totoong pagkatao kahit na masakit, makasama lamang siya? Maraming salamat po at hanggang dito na lamang Dear I.
Nagmamahal,
Mabie