Nasingil na toll sa mga motoristang dumaan ng NLEX sa panahon na suspendido ang kanilang operasyon, naibalik na ayon sa MPTC

Kinumpirma ng pamunuan ng Metro Pacific Tollway Corporation na naibalik na ang aksidenteng nasingil na toll sa mga motoristang dumaan ng North Luzon Expressway sa panahon na suspendido ang kanilang operasyon.

Una na kasing sinuspinde ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang business permit ng NLEX Corp. dahil na rin sa mga aberya sa RFID na nagdulot ng matinding trapiko.

Ayon kay NLEX Corp. Spokesman Romulo Quimbo, aksidenteng hindi naisara ang sensor ng isang lane sa tollgate kaya nabawasan ang mga motorista na dumaan rito.


Agad naman anila inaksyonan ang insidente at isinauli agad ang mga nabawasan.

Kasabay nito, maglalatag ng konkretong plano ang NLEX Corp. upang solusyonan ang mga aberya ng RFID na nagdulot ng matinding trapiko.

Kasamang reremedyuhan ang RFID stickers na hindi na binabasa ng kanilang sensors.

Una nang nagbanta si Mayor Gatchalian na aalisin lamang ang suspensyon ng business permit ng NLEX kung 95 porsyento ng mga RFID ay gumagana na.

Facebook Comments