Roxas, Isabela – Pansamantala munang aayusin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 2 ang naputol na Siffu Bridge sa Roxas, Isabela matapos ang pag-apaw ng tubig noong kasagsagan ng nagdaang bagyong Rosita.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni DPWH Regional Director Engr. Melanio Briosos sa RMN Cauayan kung saan kanila umanong uumpisahan ang pagsasaayos sa nasabing tulay bago ang araw nitong Biyernes at target na matapos sa loob ng isang buwan.
Repair muna aniya ang kanilang pansamantalang gagawin sa nasirang tulay upang may madaanan ang mga residente sa lalong madaling panahon.
Kaugnay nito, mayroon na umano silang plano na magpatayo ng bagong 4 lane bridge na mayroong habang 300 metro at tinatayang nasa 7 million pesos (7,000,000.00) ang kinakailangang pondo nito na kanilang hihilingin sa pamahalaan.
Ayon pa kay Briosos, nasa mahigit apat na dekada na umano ang nasabing tulay at kanila na umanong gagamitan ng mas matibay na pundasyon upang hindi na madaling bumigay kahit tamaan ng anumang kalamidad.
Sa ngayon ay pansamantala munang isinara ang Siffu Bridge para sa gagawing pagsasaayos.