Natagpuang endangered na pating, kinatay at kinain ng mga residente sa Cagayan de Oro

COURTESY: Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN

Isang endangered at protektadong uri ng pating ang kinatay at nauwi sa hapag ng mga residente sa isang bayan sa Cagayan de Oro City, ayon sa opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ayon kay BFAR-10 Fishing Regulation Officer Cheryl Magante, buhay pa ngunit sugatan ang megamouth shark (Megachasma pelagios) na nabuhol sa lambat ng mangingisda sa Barangay Cugman.

Patay na raw at pinaghati-hatian na ang laman ng pating nang abutan ito ng mga opisyal ng BFAR sa nasabing barangay.


Buntot at kalahati na lang umano ng katawan ng pating ang natira, na inilibing ng mga opisyal sa Barangay Kauswagan.

Itinuturing na endagered at protektado ng batas sa bansa ang nasabing pating na may bigat na 400 kilograms at may habang 3.048 metro.

Nakasaad sa Republic Acct 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998 ang pagbabawal sa pagpatay o pagkatay sa megamouth shark.

Hindi pa naman natutukoy kung sino ang pumatay at pananagutin sa batas.

Ayon kay Magante, posibleng may sinundang grupo ng krill o maliliit na hipon ang pating nang mapadpad ito sa lambat.

Bagama’t kadalasang matatagpuan ang mga megamouth shark sa malalim na bahagi ng tubig, sa mga nakaraang buwan ay namataan ang ilan sa mga ito sa mas mababaw na bahagi.

“Earlier this year, a group of seven or eight megamouth sharks was sighted just near the shore off Cugman,” ani Magante.

Facebook Comments