Cauayan City, Isabela- Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang magpipinsang Talavera na kilalang mga personalidad sa lungsod ng Cauayan matapos ang insidente ng pambubugbog at di makataong trato ng mga ito matapos na walang awang pagtulungan na bugbugin at pagtatadyakan ng magpipinsan na sina Gab Talavera na dating kumandidato sa pagkakonsehal ngunit natalo, Christopher Talavera at Jesus Talavera.
Una rito, dumulog sa tanggapan ni Cong. Jocelyn Tulfo ng ACT-CIS Partylist Isabela Satellite Office ang ilang mga empleyado upang humingi ng tulong kaugnay sa kanilang reklamo sa kanilang kumpanya na kinabibilangan ng mga di maayos na pagkaltas ng mga benepisyo sa kanilang sahod na wala namang basehan.
Sa naging panayam ng 98.5 Ifm Cauayan kay Ginoong Janrey Gomez, matagal ng isyu sa nasabing kumpanya ang ganitong sistema subalit wala umanong naglakas loob na magsumbong dahil sa takot subalit ilan sa mga kasamahan nito ay nahikayat at naglakas loob na iparating sa tanggapan ni Congresswoman Jocelyn Tulfo upang humingi ng tulong at maaksyunan ang kanilang hinaing.
Matapos mapag alaman ng magpipinsan ang ginawa ng kanilang mga empleyado ay kinompronta ang biktima hanggang sa tuluyan itong bugbugin.
Ayon naman kay P/Lt. Col. Gerald Gamboa, Hepe ng PNP Cauayan, sasampahan ng kasong Physical Injury ang magpipinsang talavera.
Samantala, tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng Kumpanyang Talavera kaugnay sa insidente.