
Mariing itinanggi ni Laguna 4th District Representative Benjie Agarao Jr. na tumanggap siya ng ₱9 milyon mula sa mga mag-asawang Discaya.
Sa ambush interview sa tanggapan ng Independent Commission kay Agarao, sinabi ng kongresista na hindi niya personal na kilala ang naturang mga kontraktor.
Giit ni Agarao, wala siyang kakayahan at hindi niya alam ang motibo ng Discaya couple sa pagdadawit sa kanya matapos na tanungin kung posible bang advance ang ₱9-M noong eleksyon.
Aniya, wala pa siya sa pwesto sa panahong binabanggit ng contractors at hindi rin nila personal na nakakaharap ang Discaya.
Pinabulaanan din niya na tumanggap siya ng regalong “exotic bulldog” at sinabing German Shepherd ang favorite niya dahil malaway raw ang bulldog.
Kanina sa pagdinig, sinabi ng kampo ng kongresista na pinag-aaralan ng kaniyang pamilya at abogado ang pagsasampa ng kaso sa mga Discaya dahil sa tinawag niyang paglapastangan at paninira sa kanyang pagkatao at pamilya gayong idinawit din ng mag-asawang Discaya ang anak nito na pumalit sa kanya sa pag-upo sa naturang distrito.









