Duda si Senator Risa Hontiveros na may ‘fall guy’ sa natapos na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa kontrobersyal na sugar importation order.
Ito ang reaksyon ni Hontiveros matapos na ilabas ng komite ang kanilang report kung saan pinasasampahan ng kasong administratibo at kriminal sina dating Agriculture Usec. Leocadio Sebastian, dating SRA Administrator Hermenegildo Serafica, at mga SRA Board members na sina Atty. Roland Beltran at Gerardo Valderrama.
Ayon kay Hontiveros, marami nang department officials ang natatakot nang lumagda sa mga importation documents dahil sa pangambang “baka ma-Sebastian” sila.
Giit ng senadora, maaari namang i-recall o bawiin ng pangulo ang Sugar Order No. 4 ngunit ang ibato lahat ang sisi kay Sebastian, ito ay nagbibigay ng signal sa ibang opisyal ng pamahalaan na huwag umaksyon ng may “urgency” kaugnay sa mga isyung nakakaapekto sa mga consumers.
Para kay Hontiveros, hindi pa rin naging malinaw ang huling pagdinig noong nakaraang linggo kung saan napilitang humarap sa blue ribbon panel si Executive Secretary Victor Rodriguez matapos muntik nang masilbihan ng subpoena.