Manila, Philippines – Na-amuse o natawa nalang ang Palasyo ng Malacañang sa pagbubunyi ni Senador Antonio Trillanes IV sa naging desisyon kahapon ng Makati Regional Trial Court Branch 148 kung saan ibinasura nito ang hiling ng Department of Justice (DOJ) na arestuhin si Trillanes dahil sa kasong kudeta.
Batay sa desisyon ng korte ay kinatigan din naman nito ang inilabas na proklamasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapawalang bisa sa amnesty na iginawad kay Trillanes.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, napakinggan niya ang interview kay Trillanes kahapon kung saan pinuri pa nito ang hukuman at dahil sa desisyon at ipinakikita na may demokrasya at umiiral ang rule of law sa bansa pero ang lahat ng ito aniya ay hindi maituturing na tagumpay.
Paliwanag ni Panelo, isang tinatawag na pyrrhic victory lamang o hindi totoong tagumpay ang nararamdaman ngayon ng senador.