National Academy of Sports, tumatanggap na ng aplikasyon para sa scholarship program ng mga atletang estudyante

Inihayag ng Department of Education (DepEd) na tumatanggap na ngayon ng aplikasyon ang National Academy of Sports o NAS ng mga magagaling at talentadong mag-aaral na atleta.

Hinihikayat ni Education Secretary Leonor Briones ang mga kabataan sa iba’t ibang sectors na mag-apply para sa scholarship upang mai-angat ang kanilang academic at sports skills.

Paliwanag ng kalihim ang NAS ay makakalikha ng world-class athletes na kayang makipag- tagisan at mag-uwi ng medalya mula sa SEA Games, Asian Games, Olympics at iba pang mga sporting events gaya ni Hidilyn Diaz.


Naghahanap na ang NAS ng incoming Grade 7 at 8 na mga mag-aaral na natural-born Filipino citizens, na mayroong general weighted average at least 80% at hindi lalampas sa 14 anyos para sa incoming Grade 7 at hindi lalampas naman sa 15 anyos para sa incoming Grade 8 sa simula ng school year.

Dagdag pa ni Briones, para sa mga estudyante na mahilig sa aquatics, athletics, badminton, gymnastics, judo, table tennis, taekwondo, at weightlifting, hinihikayat na personal na magsumite ng kanilang application sa tanggapan ng NASNASCENT SAS Secretariat National Academy of Sports 4th floor, PSC Building A, Philsports Complex o virtually sa pamamagitan ng e-mail nascentsas@deped.gov.ph hanggang April 12, 2022.

Facebook Comments