Pinapadagdagan ni Senator Panfilo Lacson ang 2021 budget para sa National Broadband Program at libreng WiFi na nilaanan lang ng Department of Budget and Management (DBM) ng mahigit ₱902.1 million.
Sa pagtalakay ng Senado sa proposed budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) ay binigyang diin ni Lacson na ang maaasahang ICT system ay pundasyon para tumibay ang ekonomiya ng bansa at mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga Pilipino.
Ayon pa kay Lacson, napakahalaga rin ng papel ng DICT sa pag-agapay sa pagsasama-sama ng mga databases ng pamahalaan upang mapabilis ang proseso at transaksyon at maiwasan ang red tape.
Sa budget hearing ay sinabi ng DICT na nangangailangan sila ng karagdagang ₱17.276 billion pesos sa ilalim ng 2021 National Budget para makumpleto ang programa na sasakop sa daan-daang tanggapan ng pamahalaan.
Ipinaliwanag ng DICT na kapag ito ay maipapatupad ay makakatipid ang pamahalaan ng ₱720 million sa loob ng unang taon ng implementasyon, at ₱34.25 billion sa internet connectivity expenses sa loob ng susunod na limang taon.
Sa budget hearing ay humingi ng paumanhin si DICT Secretary Gregorio Honasan kaugnay sa nauna niyang inihayag na “not that bad” o hindi naman kapangitan ang internet speed sa bansa na nasa 3 hanggang 7 MBPS.
Ipinaliwanag ni Honasan na ang dapat sinabi niya ay “not yet that good” o hindi pa kagandahan ang internet speed pero sinisikap nilang mapahusay.