Iginiit ng National Economic and Development Authority (NEDA) na hindi maaaring gamitin sa contact tracing ng COVID-19 cases ang 2020 National Census na magsisimula sa susunod na buwan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, naudlot ang pagsasagawa ng Census noong Mayo at iniurong ito sa Setyembre bunga ng ipinatupad na lockdown.
Nagpapatuloy aniya ang koordinasyon sa mga Local Government Unit (LGU) hinggil dito.
Natanong ni Senator Francis Tolentino kung ang contact tracing ay maaaring isama sa Census.
Tugon naman ni Chua na hindi ito maaari dahil ipinagbabawal ito sa ilalim ng Philippine Statistics Act.
Maaaring gawin ito sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tinatawag na “Listahan.”