Tututukan ngayon ng National Commission on Muslim Filipinos o NCMF, ang paglalatag ng programa kung paano mailalayo ang mga kabataan sa matinding violent extremism sa Mindanao.
Ginawa ng NCMF ang anunsyo, kasunod ng ulat ng Joint Sulu Task Force na kagagawan ng suicide bomber ang nangyaring pagsabog sa Our Lady of Mt Carmel Cathedral.
Ayon kay NCMF Secretary Saidamen Pangarungan, ang mga nangyaring pagsabog sa mga pook dalanginan ay may layunin na mas pag-alabin ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano.
Aniya, hindi pinapahintulutan ng anumang relihiyon ang pagpatay o pamiminsala sa kanilang kapwa.
Dahil dito, mas paiigtingin ng NCMF ang pagsasagawa ng mga seminar at massive education campaign sa Cebu, Zamboanga, Cotabato at National Capital Region upang ipaalala ang iniwang pinsala ng nangyaring pagkubkob ng teroristang ISIS sa Marawi.
Kabilang lamang ito sa 8 aprroach o pamamaraan ng NCMF upang palakasin ang pagkakaisa sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano sa gitna ng umiiral na kultura ng galit sa katimugang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga nakakasang aktibidad ay ang pagsasagawa ng mga inter-faith at peace rally.