National curfew sa menor de edad, isinulong sa Kamara

Isinulong ni Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera na magkaroon ng “nationwide curfew” para sa mga indibidwal na edad 18 anyos pababa.

Nakapaloob ito sa inihain ni Herrera na House Bill 1016 o National Curfew Act na nagtatakda ng curfew sa mga menor-de-edad mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.

Sa nabanggit na oras ay ipagbabawal sa mga kabataan ang pagala-gala at pag-tambay sa mga pampublikong lugar, mag-isa man o may kasamang grupo.


Pero base sa panukala, lusot dito ang mga menor de edad na may kasamang magulang o guardian, at may balidong rason o emergency, at iba pa.

Ang menor de edad na lalabag ay mapaparusahan ang mga magulang o guardians sa pamamagitan ng community service na hindi bababa sa 48 na oras, o multa na ₱2,000 hanggang ₱5,000 at kulong na 6-buwan.

Ipapasailalim sa regular na counselling session sa Barangay Council for the Protection of Children ang mga magulang kasama ang bata at kapag naulit muli ang paglabag ay manghihimasok na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Layunin ng panukala ni Herrera na mapanatili ang public order and safety, mapigilan ang pagtaas ng mga krimen at higit sa lahat ay maprotektahan ang mga kabataan laban sa anumang banta sa kanilang buhay tulad ng pagbiktima sa kanila ng mga sindikato o pagkasangkot o pagiging biktima ng krimen.

Facebook Comments