National ID, planong gamitin ng gobyerno sa pagbibigay ng ayuda; tulong pinansyal na may kinalaman sa COVID-19 pandemic, dapat nang itigil

Plano ng pamahalaan na gamitin ang Philippine Identification System (PhilSys) o national ID sa pamamahagi ng cash transfer at subsidy program.

Sa pagdinig ng Kamara sa 2023 National Budget, sinabi ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno na patuloy pa nila ito pinag-aaralan kung papaano magagamit ang national ID hinggil sa usaping ayuda.

Binigyang-diin din ni Diokno na dapat nang itigil ang pagbibigay ng ayuda na may kinalaman sa COVID-19 pandemic.


Pero dapat aniya ay ipagpatuloy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang social protection programs at maging ang tulong na ibinibigay sa mga senior citizen.

Dagdag pa ni Diokno, magiging paraan din umano ito para mahikayat ang mga tao upang kumuha ng national ID.

Una nang inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na minamadali na ng ahensya ang paggawa ng national ID cards alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na magbigay ng 50 milyon IDs pagkatapos ng 2022.

Facebook Comments