National Institutes of Health, nababahala sa mga hindi rehistradong nursing homes na nagtatago ng COVID cases ng senior citizens

Nababahala ang National Institutes of Health na posibleng may mga hindi rehistradong nursing homes ang nagtatago ng COVID-19 cases ng mga ina-alagaan na senior citizens.

Ayon kay Dr. Shelley de la Vega, Director ng Institute of Aging ng National Institutes of Health, na dapat ireport ng Nursing Homes sa kanilang barangay officials at sa mga pamilya ang mga kaso ng COVID-19 para maagapan ang pagkakahawa-hawa sa mga nakatatanda.

Aniya, maraming nursing homes ang hindi rehistrado sa Department of Social Welfare and Development, kaya posibleng natatakot ang mga ito na magreport ng COVID cases sa barangay.


Nilinaw rin ni Dr. De la Vega na kahit na bedridden at may dementia na senior citizens ay maaari pa ring bakunahan ng Anti-COVID, basta’t magpakonsulta muna sa duktor.

Gayunman, hindi aniya inirerekomenda sa senior citizens ang Sinovac vaccines kahit na may ilang nakatatanda sa ilang bansa ang naturukan na ng Sinovac at wala namang naging problema.

Dapat din aniyang i-monitor ng maayos ang mga nakatatanda pagkatapos na sila ay mabakunahan.

Ipinaliwanag ni Dr. De la Vega na wala kasing senior citizen sa Pilipinas ang nakasama sa clinical trials para sa Sinovac.

Nagpa-alala rin si Dr. De la Vega na dapat taun-taon ay pinababakunahan ang mga senior citizen ng anti-flu at anti-pneumonia vaccines.

Facebook Comments