Pinuna ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang kakulangan sa pag-unawa ng ilang mga lider sa bansa patungkol sa saklaw o hangganan ng foreign ownership sa ilalim ng mga batas tungkol sa pagnenegosyo sa bansa.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng subcommittee patungkol sa Resolution of Both Houses No.6, tinukoy ni Carpio ang panayam kay Pangulong Bongbong Marcos kung saan idineklara nito na gusto niyang buksan ang ekonomiya sa foreign investments maliban sa critical areas tulad ng power generation.
Paalala ni Carpio, ang power generation tulad ng coal, oil at gas ay 100 percent nang bukas sa dayuhang pagaari sa mahabang panahon.
Maging ang Supreme Court aniya ay pinayagan ang 100% foreign ownership sa power generation ng dams at hydro power plants gayundin ang Department of Justice (DOJ) at Department of Energy (DOE) sa ilalim ng Marcos administration ay pinapayagan ang 100 percent foreign ownership sa power generation sa solar at wind salig sa ipinapatupad na guidelines.
Tinukoy pa ni Carpio na ang Pilipinas ngayon ang isa sa mga bansang pinaka-liberal o maluwag ang foreign investment law sa ASEAN at maging sa Asya lalo na nang ipasa ang inamyendahang Public Services Act at Retail Trade Liberalization Act na nagbukas sa 100% foreign ownership sa ilang mga negosyo sa bansa.