Nakalatag na ang mga plano ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa kapakanan ng mga manggagawa sa bansa.
Sinabi ito ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa pagdinig ng Committee Appropriations sa ₱39.596-billion na panukalang 2024 budget ng DOLE at attached agencies nito.
Ayon kay Laguesma, pangunahin sa mga plano na pahusayin ang kwalipikasyon at kakayahan ng mga naghahanap ng trabaho para agad silang ma-hire, paramihin ang employment opportunities, at bigyan ng proteksyon ang mga manggagawa.
Idinulog naman ni Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza kay Laguesma ang hindi sapat na ₱610 minimum salary habang idinaing naman ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang underemployment lalo na sa mga tanggapan ng gobyerno.
Bilang tugon ay tiniyak ni Laguesma na bukod sa intervention para sa pasahod ay kasama sa direksyon ng DOLE ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga manggagawa na makapagnegosyo.
Inihayag naman ni DOLE Undersecretary Benedicto Ernesto Bitonio Jr., pinag-iibayo na nila ang pagpapakalat ng impormasyon ukol sa mga mga bakanteng trabaho sa pamahalaan habang patuloy rin nilang pinag-aaralan ang proseso sa recruitment ng mga manggagawa.
Binanggit din ni Bitonio, ang pagsasagawa ng review classes para sa mga contractual employee na nais makakuha ng civil service eligibility at makapagtrabaho sa gobyerno.