National Museum, bubuksan na muli sa publiko simula ngayong araw

Magbubukas na muli sa publiko ang National Museum of the Philippines Complex sa lungsod ng Maynila.

Ito ay makaraang pansamantalang isara para sa mga bisita, dahil sa mga naging paghahanda at aktibidad kaugnay sa katatapos na inagurasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Matatandaan na ang panunumpa ni Pang. Marcos ay ginanap sa National Museum of Fine Arts noong nakalipas na June 30.


Pero maliban dito, pansamantalang isinara noong mga nakalipas na araw ang National Museum of Anthropology, at National Museum of Natural History.

Batay sa abiso ng National Museum, simula ngayong July 5 ay bukas nang muli ang Pambansang Museo.

Maaaring bumisita rito mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi at hindi na kailangan ng reservation at libre pa rin ang admission dito.

Paalala lamang ng National Museum sa kanilang mga magiging bisita, sumunod sa guidelines kabilang ang health protocols lalo’t may COVID-19 pandemic pa rin.

Ang mga bisitang adult at menor de edad ay dapat fully vaccinated habang ang mga batang hindi pa bakunado ay dapat may kasamang fully vaccinated adult.

Bukod dito, kailangan ding iprisenta ang COVID-19 vaccination card pagpasok ng museo at ang mga bisita ay obligado pa ring magsuot ng face mask at panatilihin ang social distancing anumang oras.

Facebook Comments