Hinamon ng National Press Club o NPC ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na tukuyin na ang mga miyembro ng media na umano’y “high value target” sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Matatandaan na una nang sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na pasok bilang high value targets sa war on drugs ang ilang taga-media, artista, at kongresista.
Ayon kay Rolly Gonzalo, ang presidente ng NPC, dapat pangalanan ng PDEA ang mga media na kasama sa listahan ng high value targets.
Giit pa ni Gonzalo, kung patuloy na hindi tutukuyin ng PDEA ang mga media na umano’y kabilang sa listahan, mistulang halos lahat ng mga mamamahayag ay pwedeng ituring na suspek.
Nangako naman si Gonzalo na tatanggalin ng NPC ang sinumang miyembro nila na sangkot sa ilegal na droga.
Sinabi pa ni Gonzalo na mahalagang malinis ang hanay ng media, hindi lamang sa NPC, kundi sa iba pang mga media company.
Nagsasagawa rin aniya ang NPC ng random drug testing sa kanilang mga miyembro, upang matiyak na drug-free ang kanilang organisasyon.