National Press Club of the Philippines, nakidalamhati sa pamilya ng pinatay na brodkaster

Nakikidalamhati ang National Press Club of the Philippines (NPC) sa pamilya ng brodkaster na si Percy Lapid na pinagbabaril at pinatay ng nakamotorsiklo sa BF Resort Village, Talon Dos, Las Piñas City.

Ayon kay NPC President Lydia Bueno, nakikiisa ang pinakamatandang samahan ng mga mamamahayag sa Pilipinas sa paghahanap ng hustisya sa pagkamatay ni Percival Mabasa, a.k.a. Percy Lapid na kilala sa kanyang programang Lapid Fire.

Sinabi ni Bueno na mariin nilang kinokondena ang pamamaslang na ito kay Lapid na kabilang sa kanilang hanay bagama’t matagal na itong hindi miyembro ng NPC.


Binigyang-diin ng pangulo ng NPC ang karapatan ng bawat mediaman na malayang makapaghayag ng kanilang saloobin, pananaw at mga kaganapan sa lipunan na nakasaad sa Seksyon 4 ng Artikulo 3 o Bill of Rights ng Saligang Batas.

Matatandaan na dakong alas-8:30 ng gabi nang banggain ng isang puting sasakyan ang sasakyang minamaneho ni Lapid saka ito pinagbabaril ng nakamotorsiklo malapit sa kanyang tinitirhan sa Las Piñas City.

Ayon sa ulat ng pulisya, magkasabay na tumakas ang nambanggang sasakyan at gunman na lulan ng kanyang motorsiklo.

Naniniwala ang pamilya ni Lapid na may kinalaman sa kanyang pagiging komentarista ang pagkakapatay sa biktima.

Facebook Comments