Bumisita sa Pag-asa Island na sakop ng Kalayaan Group of Islands sa West Philippine Sea kahapon si National Security Adviser (NSA) Clarita Carlos.
Batay sa Facebook post ng municipal government ng Kalayaan, ito ay upang personal umano niyang matunghayan ang pisikal at aktwal na kalagayan ng naturang isla.
Kasama ni Carlos si Western Command (WESCOM) commander Vice Admiral Alberto Carlos at ilang kinatawan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP).
Ayon naman kay Vice Admiral Carlos, ang pagbisita ni Carlos ay nagpapahiwatig ng pareho nilang hangarin na manindigan at ipakita ang walang humpay na dedikasyon upang protektahan ang mga mamamayan na nasa ilalim ng kanilang responsibilidad.
Ang Pag-asa Island ay matatagpuan sa layong 285 milya mula sa mainland Palawan at isa sa mga islang kabilang sa Kalayaan group na siyang pinag-aagawan ng ilang bansa tulad ng Malaysia, Brunei, Vietnam at China.