Pinabubuwag ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ay kaugnay na rin sa pag-alis ng Facebook sa mga fake FB accounts dahil sa mga paglabag sa community standards kung saan ilan sa mga ito ay may kaugnayan sa red-tagging sa mga kritiko ng pamahalaan.
Naniniwala si Cullamat na simula ng mabuo ang NTF-ELCAC ay lalo lamang umigting ang mga aktibidad at mga red-tagging sa kanila na kadalasan ay makikita sa social media.
Dapat aniyang buwagin na ang NTF-ELCAC dahil nawawaldas lamang ang pondo sa ilalim nito sa halip na ipang-ayuda sana sa mga mahihirap na apektado ng pandemya.
Samantala, tiniyak naman ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na gigisahin sa plenary deliberations ng 2021 national budget ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Pinaghahanda ni Castro sa kanilang mga paliwanag tungkol sa mga fake FB account sina National Defense Secretary Delfin Lorenzana at PNP Chief Gen. Camilo Cascolan sa darating na plenary deliberation ng pambansang budget.
Ikinadismaya naman ng kongresista na hanggang ngayon ay hindi pa rin inaalis ni Communications Usec. Lorraine Badoy ang kanyang FB post na lantarang ini-uugnay sila sa mga terorista.