Bilang panimula sa National Teachers Month ay nagtipon-tipon sa harap ng Kamara ang mga guro na kasapi ng Alliance of Concerned Teachers o ACT.
Bitbit nila ang placards at streamers kung saan nakasulat ang temang ‘Iangat ang kalagayan ng guro, ibangon ang edukasyon!’ at may bitbit din silang mga bulaklak, balloons, stuffed toys, mga prutas at tsokolate bilang panunuyo sa mga mambabatas.
Kanilang apela ang pagtaas ng kanilang sahod at mabigyan ng dagdag na kompensasyon kung may dagdag silang trabaho bukod sa iba pang mga allowance at laptop.
Hiling din ng mga guro ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan at pagdoble ng pondo para sa sektor ng edukasyon sa susunod na taon gayundin ang pag-overhaul sa K-12 program.
Sa pamamagitan naman ng privilege speech sa session ngayong hapon ay iginiit ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro na nararapat bigyan ng pagpapahalaga at pagpupugay ang ating mga dakilang guro.
Sabi ni Castro, matutupad ito sa pamamagitan ng pagsasabatas ng mga panukalang naglalaman ng kanilang matagal nang hinaing at panawagan sa dagdag na sahod, pagprotekta sa kanilang karapatan, at mga benepisyo.