Si Health Usec. Maria Rosario Vergeire na ang tatayong pinuno ng National Vaccination Operations Center (NVOC).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni outgoing NVOC Chairperson Usec. Myrna Cabotaje na walang dapat ipag-alala ang publiko dahil nasa mabuting kamay ang ahensya sa usapin ng vaccination campaign.
Ayon kay Cabotaje, magtutuloy-tuloy lamang ang pagbabakuna ng pamahalaan sa pangunguna ni Usec. Vergeire sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Kasunod nito, sinabi ni Cabotaje na kumpyansa siya na magiging matagumpay rin ang bakunahan sa bagong administrasyon dahil mas magagaling aniya ang mga taong hahalili sa kanila.
Binigyang diin pa nito na hanggang sa huling araw nila sa pwesto o sa Hunyo 30 ay magtutuloy-tuloy lamang ang vaccination campaign sa layuning mabigyang proteksyon ang lahat ng mga Pilipino laban sa COVID-19.