Nationwide Campaign kontra sa mga sasakyang kolorum, pinaiigting ng LTO

Pinaiigting ng Land Transporation Office (LTO) ang kampanya kontra sa mga kolorum na sasakyan sa bansa.

Ipinunto ni Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang pangangailangan ng intelligence-gathering para malaman ang pagkakakilanlan ng mga nasabing kolorum na sasakyan pati na rin ang mga ruta na karaniwan nilang dinaraanan.

Dahil dito, inatasan ni Asec. Mendoza ang mga regional director sa polisiyang magmamandatong magsusumite ng criminal case kontra sa mga kolurum operators pati na rin ang umiiral na polisiya kung saan tanging court order lamang ang makakapag-release sa mga na-impound na kolorum na sasakyan kahit na ang multa nito ay bayad na.

Kaugnay nito, ayon naman sa mga transport group, halos 30% ang nawawala sa kanilang kita dahil sa mga kolorum na ito.

Dahil dito, hinimok ni Asec. Mendoza ang publiko na huwag tangkilikin ang mga kolorum na sasakyan dahil sa mga isyu nito kagaya ng road worthiness.

Dagdag pa nya, ang mga kolorum na sasakyang ito ay walang insurance sakaling magkaroon ng aksidente sa daan at kung mangyari ito, walang matatanggap na tulong sa pagpapagamot ang naaksidenteng pasahero.

Facebook Comments