Nationwide clearing operations, aarangkada muli sa November 16

Aarangkada na muli ang nationwide road clearing operation (RCO 2.0) ng Department of the Interior and Local Government (DILG) simula November 16.

Ito ay matapos na ibaba sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila habang nasa mas maluwag nang quarantine classifications ang iba pang lugar sa bansa.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, may 60 araw o hanggang January 15, 2021 ang mga local government unit (LGU) para maka-comply sa Presidential directive.


Ang full implementation ng RCO 2.0 ay isasagawa sa mga lugar na nakasailalim sa modified GCQ at sa new normal o post quarantine scenario.

Habang partial implementation sa mga nakasailalim sa GCQ kung saan limitado lang sa pagtatanggal ng mga sagabal sa kalsada at sidewalk.

Mananatili namang suspendido ang road clearing operations sa mga lugar na nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at modified ECQ.

Maaari ring suspendihin ang RCO 2.0 sa mga LGU at barangay na nakasailalim sa localized ECQ o MECQ.

Samantala, ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, exempted sa RCO 2.0 ang mga nakaparadang ambulansya at public emergency vehicles; mga itinayong checkpoints ng IATF, LGUs, PNP at AFP; at temporary obstructions bunsod ng pagtatayo ng bike lanes.

Pagbabawalan na muli ang pagdaan ng mga pedicab at tricycle sa national road.

Ang mga LGU na mabibigong makatugon sa RCO 2.0 ay pahaharapin ng DILG sa mga kasong administratibo.

Facebook Comments