Nagtungo si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr., kasama ang ilang tauhan ng regional offices sa Department of Justice (DOJ) para pangunahan ang nationwide filing ng tax evasion cases mula sa isingawa nilang operasyon.
Ayon kay Commissioner Lumagui, nasa 74 kaso ng tax evasion cases ang kanilang isinampa kung saan nagkakahalaga ito ng P3.58 bilyon.
Kabilang sa isinampa nilang kaso ay ang paglabag sa National Internal Revenue Code of 1997 kung saan may kaugnay ito sa isinasagawang Run After Tax Evader Program ng kanilang tanggapan.
Sa nasabing programa, inatasan ang mga revenue officials at empleyado na magsagawa ng imbestigasyon laban sa mga lumalabag sa batas hinggil sa tamang pagbabayad ng buwis at sampahan mg kaso.
Sa nasabing bilang ng isinampang kaso, pinakamarami dito ay mula sa Lungsod ng Makati kung saan nasa 10 ang nakasuhan na katumbas ng higit P1.7 bilyon na buwis ang hindi nabayaran.
Ilan naman sa isinampang kaso ay Willful Failure to Pay Taxes; Willful Attempt to Evade or Defeat the Payment of Taxes Due; Willful Failure to Pay/Remit its Income Tax Liabilities.
Binalaan ni Commissioner Lumagui ang mga tax evaders na seryoso ang BIR sa paghahabol sa kanila at handa nilang panagutin ang mga ito sa batas.