Iginiit ni Senate President Vicente Castelo “Tito” Sotto III sa gobyerno na paigtingin ang nationwide information dissemination campaign patungkol sa kahalagahan at kabutihan ng COVID-19 vaccine.
Sabi ni Sotto, mainam itong gawin habang hinihintay ang pagdating sa bansa ng mga bakuna laban sa COVID-19.
Layunin ng mungkahi ni Sotto na masagot ang mga tanong ng publiko at mapawi ang pangamba nila sa pagpapabakuna.
Ipinunto ni Sotto na maraming natatakot na magpabakuna dahil sa mga nagkalat na haka-haka at mga balitang nagsasabi na hindi naman ito epektibo laban sa COVID-19.
Ayon kay Sotto, kasama rin sa dapat ipaliwanag na mabuti sa mamamayan ay ang magiging sistema sa pagbabakuna.
Diin ni Sotto, hangga’t malabo sa isipan ng tao kung ano ang magandang maidudulot ng bakuna sa kanilang kalusugan ay mahihirapan talaga ang pamahalaan na kumbinsihin sila na makiisa sa programang ito.