Nationwide mental health emergency hotline, pinalilikha ng isang kongresista

Isinusulong ni Ang Probinsyano Partylist Representative Alfred Delos Santos ang paglikha ng Department of Health (DOH) ng mental health emergency hotline sa buong bansa.

Bunsod na rin ito ng biglang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nahaharap sa mental health issues ngayong may pandemya.

Layunin ng House Bill 7210 o ‘Accessible Mental Health Services Act’ na magtatag ng isang national call center for mental health kung saan mayroong itatalagang telephone at mobile numbers na maaaring tawagan ng publiko 24/7 para sa makapagpakonsulta at mabigyan ng medical intervention kaugnay sa mental health.


Ayon kay Delos Santos, layon din ng panukala na palakasin ang Mental Health Act of 2018.

Nakasaad din sa panukala ang pagtatalaga ng isang DOH-trained mental health worker sa bawat barangay na siyang magsisilbing first community responder at field personnel sa lahat ng bagay na may kinalaman sa mental health.

Iginiit ng mambabatas na mahalagang mabigyan ng agarang lunas, mapaigting ang “community awareness” at mapalakas ang accessibility ng publiko sa mental health services.

Facebook Comments