Ipinasasauli sa Department of Education (DepEd) ang natirang pondo na pambili ng laptops na nasa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Aabot sa P24 million ang natira pang pondo na pambili ng mga laptop para sa mga public school teacher.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa overpriced na laptops, sinabi ni Job Aguirre Jr., ng Commission on Audit (COA) na sa ilalim ng batas, bawal manatili ang pondo sa PS-DBM kaya marapat lamang na ibalik ito sa DepEd.
Nilinaw naman ni PS-DBM Executive Director Atty. Dennis Santiago na nasa savings account ng ahensya ang pera dahil inaalam pa nila sa COA ang dapat na gawin dito.
Samantala, sinita naman ni Senator Alan Peter Cayetano ang DepEd sa pagdinig dahil sa halip na internet load ang bilhin para sa mga estudyante na siyang orihinal na plano ay laptop sa mga guro na sobrang mahal ang presyo ang piniling bilhin.
Puna ni Cayetano, hindi man lang ikinonsidera na tablet ang bilhin na mas mura, wala ring konsultasyon mula sa Parent Teacher Association at imbes na sa mga guro lang, pati ang mga DepEd Regional Directors ay kasama sa mga nabigyan ng laptop kaya nagmistula itong Christmas bonus.