Natitira sa unang tranche ng SAP, iginiit na ipamahagi pa rin sa nangangailangan

Hinimok ni Quezon City Representative Precious Hipolito-Castelo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipamahagi pa rin sa mga nangangailangan ang natira sa unang tranche ng ₱100-billion ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay Castelo, 18-million households ang target na mabigyan ng ayuda pero may 400,000 na pamilya na nabibilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at 700,000 non-4Ps naman ang hindi pa naaabutan ng tulong ng pamahalaan.

Nasa apat na milyong 4Ps naman ang nakatanggap na ng aabot sa ₱17.4-billion tulong pinansyal habang 12.9-million na non-4Ps target households naman ang nabigyan na ng tulong na aabot sa ₱78-billion.


Umapela rin ang kongresista na gawing maayos sa ikalawang pagkakataon ang pamamahagi ng SAP.

Pinalalatag ng mambabatas ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno at mga Local Government Unit (LGU) ng pamamaraan para sa ‘orderly distribution’ ng financial aid.

Giit ni Castelo, dapat ay magsilbing aral sa mga lokal na opisyal at sa pamahalaan ang nangyaring mga aberya sa pamamahagi ng tulong noong Abril na binigyan pa ng extension hanggang sa unang Linggo ng Mayo matapos na hindi makumpleto agad ng mga LGU ang distribusyon nito.

Dapat aniyang maiwasan na ngayon ang ‘overcrowding’ at mga paglabag sa quarantine protocols katulad noong una at sa halip ay magbahay-bahay na lamang ang mga barangay officers sa pagbibigay ng ayuda.

Facebook Comments