Iginiit ni Senador Imee Marcos na kailangang-kailangan na ang agarang paglilikas sa lahat ng mga Pilipinong natitira pa sa Ukraine at Russia pati sa mga kalapit nitong mga bansa na Belarus, Poland, Slovakia, Hungary, Romania, at Moldova.
Nangangamba si Marcos na mas namemeligro sila ngayon dahil sa desisyon ng European Union (EU) na suplayan ng matitinding armas ang mga sundalo ng Ukraine.
Binigyang diin din ng opisyal na dapat nang magkasa ang pamahalaan ng mas malakihang paglilikas para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Europe, sakaling umabot na ang giyera ng Russia-Ukraine sa iba pang bansa sa kanluran.
Ayon kay Marcos, magkaalaman sa susunod na mga araw kung matutuloy o huhupa ang pangambang ikatlong digmaang pandaigdig.
Sabi pa niya, depende ito sa resulta ng pulong ng United Nations Security Council, paghahatid ng mga pinondohang armas ng EU para sa Ukraine, o kung magtatagumpay ang usapang pangkapayapaan ng Russia at Ukraine.
Umaasa si Marcos na ang kapangyarihan ng panalangin ang magtulak ng peace talks hindi lang para sa kapakanan ng Russia at Ukraine kundi para sa buong mundo.