Kinakalampag ngayon ni Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara ang mga ahensyang dapat magpatupad ng programa sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Law o Bayanihan 2.
Giit ni Angara, dapat bilisan na ng nabanggit na mga ahensya ang paggastos sa natitira pang pondo na nakapaloob sa Bayanihan 2 na mag-e-expire na ngayong June 30.
Tinukoy ni Angara na base sa data mula sa Department of Budget and Management (DBM) noong Mayo ay nasa mahigit ₱60 billion pa na pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 ang natitirang pantugon sa pandemya.
Ayon kay Angara, babalik ang nabanggit na salapi sa National Treasury kapag hindi nagastos hanggang sa katapusan ng buwan.
Ang Bayanihan 2 ay ipinasa at naisabatas noong September 11, 2020 at may bisa na hanggang December 19, 2020 pero napalawig hanggang June 30.