Sa hangaring mapigilan ang paglaganap sa buong bansa ng COVID-19, tututukan ngayon ng Nat’l Task Force against COVID-19 ang pagpapalakas ng operational at logistical capacity ng Department of Health.
Ito ang ipinahayag ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr., ang bagong talagang Chief Implementer ng National Action Plan kontra COVID-19.
Sinabi ni Galvez na target nila na unti-unting mapababa ang kaso ng COVID-19 kung maibibigay ang buong kapasidad sa mga DOH Frontline personnel.
Sa pamamagitan nito, maisasakatuparan ang Massive Testing at sa paghahatid ng kinakailangang health care services sa mga komunidad sa buong bansa.
Bumuo ang NTF ng Joint Logistics Team na mag-iimbentaryo ng mga critical medical supplies at equipment, kabilang dito ang mga dagdag na personnel protective equipment, ventilators, respirators at mga hospital beds.
Dagdag ni Galvez, dahil nasa kritikal na yugto na ang laban sa COVID-19, mahalaga na may iisang direksyon at galaw ang iba’t ibang grupo sa ilalim ng NTF, kabilang dito ang Task Groups on Response Operations, Resource Management at Logistics, and Strategic Communication.
Bawat task groups ay nakapag-develop na ng plano sa kani-kanilang critical positions.