Ipinasisiyasat ni House Committee on Metro Manila Development Chairman Manuel Lopez ang naantalang benepisyo para sa mga healthcare workers.
Sa inihaing House Resolution 1704 ng kongresista, hinihikayat niya na manghimasok na ang Kamara sa isyu ‘in aid of legislation’ upang hindi na maulit at makabuo ng batas kung kinakailangan.
Iginiit ni Lopez na hindi katanggap-tanggap ang anumang delay o pagkaantala sa pagbibigay ng benepisyo sa mga medical frontliners na patuloy na naglilingkod at humaharap sa panganib ng COVID-19.
Kabilang sa mga binanggit na naantalang benepisyo ay ang special risk allowance; meals, transportation, accomodation allowances; at performance based-bonuses.
Dismayado rin aniya ang ibang mga medical frontliner na sinisingil pa sa kanilang COVID-19 RT-PCR test, dagdag pa ang hindi pagbibigay ng pandemic o quarantine leave, at hindi rin nababayaran kapag job order.
Tinukoy ng mambabatas na kailangang rebisahin at ayusin ang COVID-19 response ng pamahalaan para sa kapakanan ng health care workers at kaligtasan ng sambayanan.