Manila, Philippines – Matapos ang ilang araw na pagpapakilig noong February tila ‘cold’ na naman ang relasyon nina Sharon Cuneta at Gabby Conception.
Usap-usapan kasi ngayon ang pag-unfollow nila isa’t-isa sa kanilang mga instagram account.
Bago i-unfollow kanina, kapansin-pansin din kagabi ang isang mahabang post ni Sharon tungkol sa saloobin niya sa umano ay naunsyaming pagkakaibigan at pagbabalik-tambalan nila sa pelikula ni Gabby.
Bagama’t hindi direktang binanggit ang pangalan ng aktor, sinabi rin ng Megastar na umaasa siyang magiging magkaibigan sila para sa kabutihan ng kanilang anak.
Nito lang Pebrero nang magkasama sa isang TV ad sina Sharon at Gabby kung saan napag-usapan na rin ang posibleng movie reunion ng dalawa.
Pero isang buwan pa lang ang nakakalipas nang ianunsyo ng aktres na hindi na matutuloy ang pelikula.
Nananatili namang tikom sa isyu si Gabby.