Nawawalang aso, naibalik matapos idaan ng ‘magnanakaw’ sa harap ng bahay ng amo

Shih-tzu stock photo

Makalipas ang walong buwan, naibalik sa orihinal na pamilya ang isang aso matapos ipasyal ng bagong nag-aalaga rito sa harap ng bahay ng amo.

Laking gulat ni Eva Delgado nang makitang napadaan sa kanilang bahay sa Patterson, California ang alagang 3-taon-gulang na si Charlie kasama ang isang babae.

Tumugon ang aso sa tawag ni Delgado kaya naman kinompronta niya ang babaeng umaangkin dito.


Sa panayam ng KTXL, sinabi ni Delgado na iginiit umano ng babae na sa tatay niya ang aso.

Tumanggi ang babae na ibigay si Charlie, kaya naisipan ni Delgado na sundan ito hanggang sa garahe–kung saan din huling nakita ang aso mula nang makalabas ito noong Marso.

Ayon kay Delgado, noong araw na nakawala ang alaga, agad niyang tinanong ang mekaniko sa naturang garahe, ngunit itinanggi nitong may nakita siya aso.

Ipinagpatuloy niya ang paghahanap hanggang sa mawalan ng pag-asa na makita pang muli si Charlie.

Sa pagkakataong ito, parehong mekaniko ang nadatnan ni Delgado sa garahe at itinanggi nito na si Charlie ang asong dala ng babaeng sinundan ni Delgado.

Nagdahilan pa raw ang lalaki na nasa kanilang bahay ang mga papeles ng aso, na hindi naman pinaniwalaan ni Delgado.

Hindi pa rin pumayag ang mekaniko na ibigay si Charlie sa orihinal na amo hanggang sa tumawag na ng mga pulis si Delgado.

Naibalik ang aso matapos mapatunayang alaga ito ni Delgado sa pamamagitan ng microchip na nakalagay sa katawan nito.

Pinag-iisipan pa ng pamilya kung sasampahan ng kaso ang hinihinalang nagnakaw sa alaga.

Facebook Comments