Isang lalaki na ilang buwan nang nawawala sa Texas ang kinain umano ng mga alaga niyang aso, ayon sa awtoridad.
Kinumpirma ng medical examiners sa pamamagitan ng DNA test, na ang mga piraso ng buto na nakita sa tae ng mga aso ay nag-match sa 57-anyos na si Freddie Mack.
Hinala ng pulisya, nilapa ng 18 mixed-breed na mga aso, na tanging kasama ng biktima sa bahay, ang buong katawan pati na rin buhok at damit nito–na ang tanging naiwan lang ay dalawa hanggang limang pulgada ng buto.
Ani ng deputy, hindi pa sila nakaririnig kahit kailan ng kaso kung saan kinain ng aso ang buong katawan ng tao.
Lumabas din sa imbestigasyon na may malubhang karamdaman si Mack kaya hindi pa malinaw kung pinatay ng mga alagang aso ang kanilang amo o kinain na lang ang bangkay matapos mamatay sa sakit.
Mayo pa nang i-report sa awtoridad ng mga kamag-anak ang pagkawala ng biktima, na kalagitnaan pa lang ng Abril ay hindi na raw nagpaparamdam.
Hindi naman makapasok ang pamilya ni Mack sa bahay nito dahil sa mga agresibong aso, na naging problema rin ng pulisya nang isinagawa na ang paghahanap.
Sa 18 aso, dalawa rito ay kinain ng kapwa aso, 13 ang pinatay dahil sa pagiging agresibo, at tatlo naman ang ipinapaampon.
Ayon sa deputy, mahal na mahal ng biktima ang kaniyang mga aso at minsan pa nga’y tumawag daw ito mula sa ospital para magtanong kung may puwedeng tumingin sa mga alaga niya.