Matapos ang soft opening noong nakaraang Martes ng hapon, pormal nang binuksan sa publiko ngayong araw ang Nayong Pilipino Drive thru vaccination center dito sa Bagong Nayong Pilipino Entertainment.
Inisyatiba ito ng Solaire at International Container Terminal Services, Inc. at kaya ng vaccination drive thru na ito na makapagbakuna ng tatlo hanggang limang libong katao depende sa dami ng mga sasakyan at sakay ng mga ito.
Bawal ang walk-in o hindi rehistrado bagaman at ito ay bukas sa lahat ng may sasakyang nais magpabakuna. Kailangang magparehistro muna ang mga ito sa website ng Parañaque City Local Government Unit (LGU) upang mabigyan sila ng QR code at patient number dahil kung wala ka ng mga ito, sa pre-registration area pa lamang ay pababalikin ka na.
Ang mga may kumpletong requirements naman ay didiretso na sa registration area upang kunin ang mga impormasyon tungkol sa iyo gaya ng pangalan at email address na siya namang magsisilbing user name mo sa digital registration form na ipapadala sa pamamagitan eZConsult app na kailangan mong i-download.
Kapag nairehistro ka na ay diretso ka naman sa vaccination area upang doon ka bakunahan, matapos ito, diretso ka sa 15-minute monitoring parking upang obserbahan.
Kung wala namang adverse effect makalipas ang 15 minuto, maaari ka nang mag-exit upang magawa na ang mga pang-araw na Gawain.
Samantala, may nakahanda ring golfer cart, ito naman ay nakalaan sa mga trabahanteng walang sasakyan, mula sa isang mall sa Sucat, susunduin ng hindi bababa sa dalawang bus ang mga nagparehistro sa Parañaque LGU website at dadalhin dito. Matapos maberipika kung kumpleto sa requirements, isasakay ang mga ito sa golfer cart at saka gagawin ang drive thru vaccination.
Ayon kay Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez, malaki ang magiging bahagi ng proyektong ito sa kabuuan ng vaccination rollout ng pamahalaan.
Ito kase aniya, kapag naging 100% operational kasama ang Nayong Pilipino mega vaccination center ay makakapagbakuna ito ng 15,000 katao bawat araw.
Kaya kaugnay nito ngayon, nananawagan na rin si Parañaque City Mayor Edwin Olivares sa lahat, maging sa hindi residente ng Parañaque na magparehistro sa Parañaque website upang mabigyan ng schedule kung kailan mababakunahan.