Inatasan na ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) para silipin ang medical records ni dating Ozamiz City Councilor Ricardo Parojinog.
Si Parojinog ay natagpuang patay sa loob ng kaniyang kulungan noong September 4.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Northern Mindanao Police Regional Office na hindi nakitaan ng anumang sensyales na sinaktan si Parojinog.
Ang pagkamatay ni Parojinog ay bunga ng cardiopulmunory arrest secondary to cardiovascular disease at probable COVID-19 infection.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ipinag-utos na niya kay NBI Officer-in-Charge Eric Distor na beripikahin ng field operatives ang dahilan ng kaniyang kamatayan.
Nabatid na lumipad patungong Taiwan si Parojinog kasunod ng paghahain ng criminal charges laban sa kaniya pero naaresto rin siya noong 2018 at ibinalik sa Pilipinas at ikinulong sa PNP custodial center.
Siya ang nakababatang kapatid ni dating Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog na napatay sa police raid noong 2017.