Idinepensa ng NBI ang imbestigasyon nito kay Pasig City Mayor Vico Sotto kaugnay sa sinasabing paglabag sa Quarantine Guidelines.
Ayon kay NBI Spokesman Ferdinand Lavin, walang halong pulitika ang isinasagawa nilang imbestigasyon.
Nilinaw pa ng opisyal na bukod kay Sotto ay mayroon din iba pang Local Government Officials silang pinadalhan ng subpoena at iimbestigahan gayundin si Sen. Koko Pimentel.
Ayon kay Lavin, ipatatawag nila si Pimentel pagkatapos nitong gumaling sa COVID-19.
Kabilang din sa ini-imbestigahan ng NBI sina Brgy. Captain Emeliano Ramos ng Talon Uno, Las Piñas at Brgy. Captain Rodolfo Palma ng Brgy. Pagasa, Quezon City kaugnay sa insidente sa Vertis North.
Gayundin ang iba pang opisyal mula sa Cebu at Masbate.
Nasa kapangyarihan din anya ng NBI na magsagawa ng Motu Proprio na imbestigasyon kahit wala silang natatanggap na reklamo laban sa mga opisyal.