Handa ang National Bureau of Investigation (NBI) na magpadala ng forensics team sa Libya para alamin kung mga Pilipino ang apat na labi na sinasabing dinukot at pinatay ng Islamic State extremists.
Ayon kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, maaari silang mag-deploy ng team depende sa magiging request ng Department of Foreign Affairs (DFA) at approval ng Department of Justice (DOJ).
Nagkaroon na sila ng inisyal na koordinasyon sa immediate family members at kaanak ng mga biktima.
Matatandaang inanunsyo ng Embahada ng Pilipinas sa Libya na nagawa nilang matunton noong March 1 ang grave site kung saan inilibing ang apat na Pilipino sa eastern coastal city ng Derna.
Ang apat na Pinoy ay nagtatrabaho sa Austrian contracting firm na Value Added Oil Services (VOAS) at unang naiulat na nawawala kasama ang dalawang katrabaho mula Austria at Czech Republic nang umatake ang IS militants sa Ghani Oil Field sa Southern Libya noong March 6, 2015.